SANA Lang...

Mga estudyanteng naka-uniporme ng puti. Makikita mo sila sa halos lahat ng dako ng Metro Manila maging sa mga probinsiya. Mga nursing students. Paano naman halos lahat na yata ng mga high school graduates ngayon e gustong mag nars. Kaya naman halos lahat na rin ng kolehiyo ngayon e may kursong nursing. Kahit nga mga computer school may nursing course na rin. Nagsulputan silang parang mga kabute. Kaya di mo rin masisi na nagiging "substandard" na daw ang mga nurses natin. Alam mo ba na ang Pilipinas ang nangunguna sa pag-eexport ng nurse sa buong mundo?[1] Ang pangit pakinggan pero yun ang totoo. Ang Pilipinas daw ang “Nurse Country” sa buong mundo.

Narinig ko sa isang tagapagasalita na may isang unibersidad daw sa Baguio na nag bibigay ng libreng pag-aaral sa kursong agrikultura. Oo, LIBRE na. Ang problema walang nag eenrol. Walang gustong kumuha. Kailangan ng ating bansa ang mga taong mag-iisip sa pag-unlad ng ating agham, teknolohiya, edukasyon at agrikultura. Pero wala ng estudyanteng gustong tumungo sa direksyong ito. Pano lahat gustong umalis ng bansa [Philippines: Workers for the World, Newsweek, Oct.4, 2006]. Mag-abroad. Maging,nars o kaya naman ay tagapag-alaga sa matantandang may sakit o katulong sa ibang bansa. Sino na kaya ang susunod na Filipino Scientist? Mathematician? O imbentor kaya?[2] Magagawan kaya natin ng paraan na sa hinaharap ay hindi na tayo ang nangungunang bansa na umaangkat ng bigas? Haaay….

Nangaganib ang Pilipinas. Nakakalungkot. Utak-kanluranin kasi halos lahat. Tungkol naman sa mga kabataan, kung ilalarawan ang kalagayan ng kasalukuyang kabataang Pilipino, ang sabi ng iba LUTANG daw sila. Walang direksyon sa buhay. Sumusunod lamang sa agos…kung san na lang liparin ng hangin. Walang tapang. Minsan nakakatakot na rin ang impluensiya ng daigdig.

Sana lang, hindi matulad ang aking anak. Sana lang, mapalaki ko siya na marunong lumaban. Sana lang maihanda ko siya sa totoong hamon ng buhay, bilang isang indibidwal at bilang isang Filipino.

Para sa Brown Raise Movement.

 

0 Kind Word(s):